Pagtatagpo

Balot ako ng kayumangging roba na tinatakluban
ang buo kong katawan mula sa bumbunan ng aking ulo
hanggang sa mga kuko ng aking dalawang paa.

Nag-uusal ako ng dasal
sa pasilyo ng monasteryo patungo sa aking kuwarto

nang ako ay mapahinto
at muli kang makatagpo
pagkatapos ng matagal na panahon.

Sa ating pagtungo, hindi ang iyong mukha, kung hindi
ang mga daliring nakausli sa iyong manggas ang nagpaalalang

ikaw ang minsan kong nakilala
na hinangad kong maging kaibigan
sa kabila ng aking kagustuhang mapag-isa.

Lingid sa aking kaalaman, iyon din pala ang nais mo –
ang maging monghe, katulad ko.

- mula sa tulang “Salaysay” ni Allan Popa

0 comments:

Find It